Monday, December 13, 2010

Ang Kwento ni Santa

Nung ako'y bata pa, napaisip rin ako kung bakit mas inuuna ni Santa ang mga bata sa ibang lugar bago ang sa Balayan, ang aking bayan. Naiintindihan ko naman na maraming bata kaya di na kami inaabot ni Rudolph pero bakit kaya palagi na lang wala akong natatanggap. Di ba tama lamang na kung binigyan n'ya nung isang taon ang taga-Maynila, sa kasalukuyan ay ang mga taga-Balayan naman. Yan ang malaking katanungan ko. Napaisip tuloy akong magsabit ng medyas. Ngunit nung makita ko ang itsura ng nakasabit kong medyas, kaagad ko tong tinanggal sapagkat di ako makaisip ng gusto kong regalo na magkakasya sa medyas ko. Sa loob-loob ko, kung gusto n'ya talaga akong bigyan ng regalo, iiwan n'ya yun sa ilalim ng dilaw naming krismastri. Kung hahalikan man n'ya ang mommy ko o hindi, wala na akong pakialam. 


Dumaan pa ang ilang taon at nakipagtigasan ng walang humpay si Santa... 


Hangga't dumating ang isang araw sa buwan ng Disyembre at napag-usapan ng mga kaklase ko si Santa. Duon ko nalaman na ang mga magulang  pala ang Santa ng mga bata. Sus! Pa'no naman kami mabibigyan ng regalo ng palihim ng mga magulang ko e walo (8) kaming magkakapatid. Katatalas pa. Mabibisto lang sila!


Tapos, nalaman ko sa klase na si Santa Claus pala ay si San Nicholas... Kagaling talaga ng tao! Ang laki ng pinagkaiba ng orihinal na istorya sa istoryang alam ng mga bata. Parang tsismis! Halos di na makita kung aling parte ang totoo. 


Kung anupaman yan, basta totoong may Santa! Totoo rin si Hesus na isinilang sa belen. Di man gumagalaw yung sanggol na nasa sabsaban sa loob ng simbahan, minsan nuong unang panahon, nung bata pa si Sabel, ay ipinanganak ang tagapaglisgtas ng sanlibutan. 


Dumaan pa ang maraming taon at sabihin na nating lumawak ng kahit papaano ang aking pang-unawa. Kahit alam ko na si Santa Claus ay gawa-gawaan laang, hinayaan ko lang ang ibang bata na maniwala kay Santa. Makaganti man lang ba! Ang lagay ba ay ako lang ang naisahan. Biro lamang! 


Nitong mga nakaraang taon ay wala masyadong dating sa akin ang mga kristmastri at si Santa pero ngayong taong ito, tila may nagbago. Unti-unting lumalaki ang mga mata ko (na talaga namang kay lalaki) pag nakakakita ng palamuting pamasko. Di aabutin ng isang minuto at tiyak na ang pakiramdam ko ay bumata ako. Napapaisip nga ako kung minsan. Ang tanong ko ay di kaya ito ay gutom laang. 


Pero naisip ko rin (ngayon lang) na maano ba, e libre lang namang tumingin sa mga ga-higanteng kristmastri, makukulay na ilaw, pulang-pula na Santa Claus, sangkatutak na regalo at kung anu-anupa. Tsaka sabi nga ng iba ang pasko ay panahon ng pagsasaya at pasasalamat. Ang pasko ay para sa mga bata. Kung di na bata ay tularan ang nga bata... 


O s'ya ire ang ilang litrato na kinuha kanina, ika-12 ng Disyembre 2010. 


Dadalhin ko kayo sa aking palasyo!
Mabigat! Di kaya pinggan ang laman nito...
Sumasayaw ang Santa na 'to... Pasikat! 
12K naman... ang mahal!
Siguradong gusto ng Mommy ko 'to. Di n'ya dapat makita. Mahal!
Tama na yung maliit lang.

No comments:

Post a Comment